Tuesday, November 17, 2009

Ang Pilipino Bilang Isang Malansang Isda

Sang-ayon kay Rizal, may tatlong salik sa pagbubuo ng isang nasyon: isang kasaysayan, isang wika, at isang pagkakakilanlan.

Naniniwala si Rizal na malaki ang papel na ginagampanan ng edukasyon sa pagbuo at pagtibay ng tatlong elementong ito. Kaya naman, hindi nakapagtataka na hindi maituring na isang nasyon ang Pilipinas.

Una, ang ating kasaysayan ay binuo at itinuro ng mg dayuhan. Sila ang humubog sa ating kamalayan bilang isang tao at lahi.

Ikalawa, ang wika ay isang kasangkapan upang ipahayag ang isang ideya. Ngunit, bago ito maging isang gamit, ang wika ay kailangang maging salamin ng isang makatotohanang pagtanaw sa realidad.1 Sa madaling-sabi, ang wika ay simbolo ng kamalayan ng isang tao. Hindi ganap ang kamalayan ng Pilipino dahil sa kawalan ng wikang sisimbolo dito.

Madalas na nababanggit ang mga linya sa tula ni Rizal na pinamagatang "Sa Aking mga Kababata":

"Ang taong hindi marunong magmahal sa sariling wika ay katulad ng isang malansang isda."

Ngunit, nakapagtataka na Espanyol ang ginamit ni Rizal sa kanyang mga nobela at ilang mga akda. Kilala rin siyang matatas sa ilang lingguwahe. Marami rin ang nagsasabing sumusuporta siya sa pag-aaral ng Ingles kung ninanais ng Pilipinas na ito ay umunlad sa susunod na siglo.

Dahil, ikatlo, kahit may iisang wika, kung walang pangkalahatang pagkakakilanlan, walang tunay na diwa ng isang nasyon. Filipino ang ating pambansang salita. Ngunit mas pabor ang Ingles sa gobyerno, negosyo, edukasyon, at mass media. At lalo pa itong pinalalala ng isang populasyong ang alam ay isang dysfunctional na Ingles. Hindi nakapagtatakang nalalamangan at nadadaya ang marami sa ating mga kababayan, na lalong nagpapalala sa antas ng "makapangyarihan" at ng "masa".

Samakatuwid, hindi ang pagmamahal sa wika o bansa ang tinutukoy ni Rizal sa nasabing tula. Ito ay tungkol sa pagmamahal sa kalayaan!2 Hinihikayat niya ang mga Pilipino na labanan ang mga Espanyol dahil ninakawan nila tayo ng kalayaan!

Dahil ang edukasyon ay dapat magpalaya sa tao. Ang edukasyon ay dapat magbigay ng oportunidad sa tao upang makamit nito ang kanyang pinakamataas na potensyal.

Ngunit, sa nangyari sa atin, tila tayo ay isang isdang hinango sa dagat, at nabubuhay sa isang mundong hindi atin at hiniram lamang.3


_____________________
Mga Pinanggalingan:
1 http://joserizal.info/Reflections/malansang-isda.htm
2 http://www.americanchronicle.com/articles/view/30015
3 http://pambata.tripod.com/id1.html

No comments:

Post a Comment