When I grow up I wanna be famous, I wanna be a star, I wanna be in movies
When I grow up I wanna see the world, drive nice cars, I wanna have groupies
When I grow up, be on TV, people know me, be on magazines
When I grow up, fresh and clean, number one chick, when I step out on the scene
- When I Grow Up, Pussycat Dolls
Isang napakagandang sapalaran na makita – sa unang pagkakataon – si Conrado de Quiros na magsulat sa wikang Tagalog habang ako ay nag-iisip kung ano ang aking magiging reaksyon sa pahayag ni Fontanos.
Akala ko, kagaya ng maraming kabataan ngayon, Ingles na rin ang lingguwahe ng aking mga pangarap. Lumaki ako sa isang simpleng pamilyang naniniwala na ang kasanayan sa Ingles ay susi sa tagumpay. Dahil sa elementarya lang ang natapos ng aking ina, matalino niyang ginamit ang pera ng aking amang OFW upang ipambili ng mga libro at cassette tapes ng mga kuwentong nasa wikang Ingles.
Akala ko, dahil naging matatas na ako, Ingles na ang lingguwahe ng aking emosyon. Dati, kapag ako’y nagagalit, nagsasalita ako nang walang humpay sa wikang Ingles. Hindi ko maipahayag ang galit ko sa diretsong Tagalog. Maraming beses, tuwing ako ay nakikihalubilo sa aking mga kapatiran sa simbahan, pinipilit kong ipahayag ang aking paniniwala sa Tagalog dahil alam kong ito ang paraan upang maintindihan ako ng mas nakararami. Kahit sa pananalangin, o sa aking talaarawan, Ingles ang ginagamit ko upang isulat ang aking pinakamalalalim at personal na saloobin.
Akala ko, dahil ito ang lingguwahe ng musika at librong bumusog sa aking pagkatao, ito na ang lingguwahe ng aking diwa. Isa lang ang nobelang Tagalog sa aking estante – ang Noli Me Tangere. May dalawa naman akong CD na Tagalog – isang pam-Pasko at isang folk dance collection.
Sasabihin ko sana na, sa kabila ng ating pagdidiin na ang wika ng ating mag-aaral ay ang kanilang wikang kinagisnan, hindi natin maisasantabi na ang wika ng kanilang mga pangarap ay Ingles. Gusto nilang makita sa TV, magmaneho ng Ferrari, kumain sa McDonald’s, magkape sa Starbucks, bumili sa Levi’s, magkaroon ng maraming kaibigan sa Facebook, magbasa ng Twilight series. Mayroon kaming kasamahan sa bahay na kasalukuyan kong tinutulungang mag-aral ngayon. Wala siyang ginawa kung hindi pakiusapan akong kausapin siya sa Ingles at sabihin ang katumbas ng mga salitang Tagalog sa Ingles. Pangarap daw niyang maging mahusay sa Ingles pagdating ng araw.
Akala ko (at akala siguro niya) na mas bubuti ang aming kalalagayan sa buhay kapag natuto na kaming mag-Ingles. Ngunit, ang pagbabasa ng artikulo ni de Quiros ay isa sa mga pambihirang pagkakataon na nakaramdam ako ng kapahintulutang maging makapangyarihan. Sa dinami-dami nang nabasa kong artikulo tungkol sa P1M hapunan ng Pangulo, wala nang ibang nakapagpagising sa aking diwa, kagaya ng ginawa ni de Quiros sa Tagalog. Mas malinaw at mas masidhi ang ginawang pagtataksil ng ating Pangulo. Mas nakakatakot at mas matalim ang pahayag ni de Quiros.
Sa huli, medyo nabaliktad lang ang pananaw ni Fontanos. Ingles ang wika ng ating mga pangarap. Ngunit, Tagalog pa rin – o ang wika ng diwa ng iyong pagkakakilanlan - ang wika ng ating pagiging ganap na tao. Ang taong nakikialam sa kanyang tunay na papel at gampanin sa lipunan. Ang taong tunay na may pinag-aralan.
No comments:
Post a Comment